Hindi umaatras si Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag nitong unang magpapaturok ng bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Russia sa harap ng publiko.
Ito ang iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod naman ng naging pahayag nito na posibleng sa Mayo sa susunod na taon pa maaaring bakunahan ang Pangulo.
Ayon kay Roque, mismong ang Department of Science and Technology (DOST) ang nagsabing maaari lamang magpabakuna ang Pangulo ng Sputnik 5 kapag natapos na ang 3rd stage ng clinical trial dito na inaasahan sa Abril sa susunod na taon.
Una na ring sinabi ni Roque na maaaring lamang maturukan ang pangulo ng Sputnik 5 kung maaaprubahan na ito ng Food and Drug Administration (FDA) sa bansa.
Inaasahan namang masisimulan ang clinical trial ng Sputnik 5, kapwa sa Pilipinas at Russia sa Oktubre.