Maaari ng makalabas ng kanilang mga tahanan ang mga fully vaccinated senior citizen na nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ at Modified General Community Quarantine o MGCQ.
Ito ang naging pahayag ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease o IATF-EID sa kanilang pagpupulong kahapon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagama’t pinapayagan na ng pamahalaan ang mga senior citizen na lumabas, kinakailangan pa rin magpresenta ng vaccination card at sumunod sa ipinapatupad na minimum health protocols.
Bukod dito, sinabi rin ni Roque na ipinagbabawal pa rin ang mga international travel sa mga senior citizen , maliban na lamang sa point to point travel na unang pinayagan ng IATF.
Samantala, hinihikayat pa rin ni Roque ang mga senior citizen na hindi pa nababakunahan na magpabakuna na upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.