Nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi binabawi kundi hinihiram lamang ang mga bakuna kontra COVID-19 na naipamahagi na sa mga lalawigan.
Ito’y kaugnay sa atas ng Department of Health (DOH) na ibalik ang ilang bakuna mula sa mga lalawigan para magamit muna sa ibang lugar na mataas ang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Duque, normal lamang na manghiram ng bakuna sa mga health facility lalo na sa mga lugar na kaunti lang ang mga naturukan.
Giit ni Duque, talagang ginagawa ito lalo na at may lugar na mas matindi ang pangangailangan sa bakuna dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng nakahahawang sakit.
Kaparehas din aniya ito ng pagre-reassign sa mga healthcare worker sa mga ospital na kailangan ng mas marami o dagdag na tauhan.