Isang maliit na bayan sa Samar ang Balangiga.
Kasabay ng pagsuko noong 1901 ni General Emilio Aguinaldo ay nagaganap naman ang pagsakop ng Estados Unidos sa Samar.
Ayon sa Historian na si Xiao Chua, naging napakahirap ng buhay sa Samar noong panahong sinakop sila mga Kano.
Hindi makapagtanim ang mga magsasaka at kung makapagtanim man ay sinusunog naman ito ng mga sundalong Amerikano.
Dahil dito, nagsimulang kumilos ang mga mamamayan sa pangunguna ni Valeriano Abanador, ang hepe ng pulisya sa bayan ng Balangiga.
Sinimulan niya ito sa pakikipagkaibigan sa kumpanya ng mga sundalong Amerikano na nakahimpil sa kanilang bayan.
Isang gabi, isang prusisyon ang isinagawa sa bayan ng Balangiga.
Dala ang mga karosa na tila mga kabaong ay nag-martsa ang maraming kababaihan patungo sa maliit na simbahan sa Balangiga.
Pagsapit sa simbahan ay pinatunog ang tatlong kampana ng simbahan ng Balangiga.
Ang pagtunog ng Balangiga bells ang naging hudyat ng pag-atake ng mga Pilipino sa pangunguna ni Abanador sa kampo ng mga sundalong Amerikano.
Nasorpresa ang mga Kano sa biglaang pag-atake sa kanila ang mga lumahok sa prusisyon na pawang mga lalake pala na nagbihis babae, tatlumpu’t pito (37) sa kanilang mga sundalo ang agad na nalagas at marami pa ang sugatan.
Hindi mailawaran ang galit at insultong naramdaman ng mga sundalong Amerikano sa pangunguna ni Jacob Smith.
“Kill and Burn” ang kanyang utos sa mga sundalong Amerikano bilang resbak sa mga Pilipino.
“The more you kill the more you burn, the more you please me,” ang di umano’y matigas na direktiba ni Smith batay sa nasusulat na salaysay.
Dito nangyari ang isa sa pinakamalaking masaker sa kasaysayan nang pagpapatayin ng mga Kano, maging ang mga batang may edad hanggang sampu o yung may kakayahan nang humawak ng baril.
Mahigit sa 2500 ang mga Pilipinong nalagas sa paghihiganti ng mga Amerikanong sundalo.
Sinunog ng mga Kano ang Balangiga Church at kinuha ang tatlong Balangiga bells.
Dalawa sa mga kampana ay nasa isang park sa 11th Infantry Regiment sa F.E. Warren Air Force base sa Cheyenee, Wyoming kung saan kabilang ang mga sundalong nakatalaga noon sa bayan ng Balangiga Samar samantalang nasa 9th Infantry regiment sa South Korea US base ang isa pa.
Ayon kay Professor Chua, ito ang dahilan kaya’t ayaw ng mga beteranong sundalong Amerikano na ibalik sa Pilipinas ang Balangiga bells.
Sumisimbolo aniya ito sa insultong kanilang natikman dahil sa sorpresang pag-atake sa kanila at matagumpay nilang paghihiganti nang halos ubusin nila ang mamamayan ng Balangiga.
“Malaking hugot ito, ang tawag nila noon doon ay minasaker ng mga Pinoy ang mga sundalong Kano, pero ang totoong masaker ay yung resbak.” ani Chua
Noong panahon ng Ramos administration, pumayag na si dating US President Bill Clinton na isauli ang Balangiga bells sa Pilipinas subalit matigas ang paninindigan dito ng mga beteranong sundalo kaya’t walang nagawa si Clinton.
Sinabi ni Chua na marami na ring naging panukala kung paano mareresolba ang isyu ng Balangiga kabilang na dito ang paggawa ng mga replica na iiwan sa Amerika subalit hindi rin ito napagkasunduan ng magkabilang panig.
Sa kanyang State of the Nation Address o SONA, iginiit ni Pangulong Duterte na dapat isauli na ng Estados Unidos ang Balangiga bells dahil hindi nila ito pag-aari.
Sinuportahan ito ng Simbahang Katoliko kung saan binigyang diin nila na hindi trophy of war ang Balangiga bells dahil ito ay banal na pagmamay-ari ng simbahan.