Inaasahan na ni Mindoro Representative at House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na magkakaroon ng balasahan sa committee chairmanship sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ay matapos na makudeta at mapalitan ni Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Umali na handa siyang bitiwan ang hawak niyang komite kung ito ang mapagkakasunduan ng Kamara.
“Ang dineclare vacant lang naman ay ang posisyon ng speaker although in any leadership change I expect that there will be reorganization even of ‘yung mga chair of the different committees, ako naman I’m prepared to relinquish that post.” Ani Umali
Hindi inaalis ni Umali ang katotohanang may mga mambabatas ang nag-iinteres na magka-posisyon sa mga komite ng Mababang Kapulungan ngayong nagpalit na ng liderato.
“Hindi mawawala ‘yun siguradong may ganun, I’m almost certain na even in the majority ay may grupo-grupo diyan na nag-a-aspire na maging chairman kaya kanya-kanyang posisyunan ‘yan, kapag ganitong unusual situation naniniwala ako na maraming mga grupo-grupo na may kanya-kanyang interes na gumagalaw.” Pahayag ni Umali
‘GMA as prime minister?’
Samantala, tinawag na ispekulasyon ni Mindoro Representative Reynaldo Umali ang pangamba ng ilan na posibleng ang pagpapalit ng liderato ng Mababang Kapulungan ay bahagi ng paghahanda ni dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Arroyo para maupo bilang Prime Minister oras na mapalitan sa pederalismo ang porma ng gobyerno.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Umali na mahirap patulan ang naturang isyu lalot pawang mga haka-haka lamang ang mga ito.
Una rito sinabi ng ilang senador na kanilang tututulan ang pagsusulong ng Charter change na magbibigay daan para maging Punong Ministro si House Speaker Arroyo.
Hindi pa naman puwedeng magpalit ng porma ng gobyerno nang hindi nababago ang konstitusyon, ang mga bagay na ‘yan ay speculations at maaaring these are scenario building by different camps.” Dagdag ni Umali
(Ratsada Balita Interview)