Malabo nang makasuhan ang lahat ng sangkot sa pork barrel scam.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower sa pork barrel scam ito ay dahil napakahaba pa ng listahan ng mga kaalyado ng administrasyon na hindi pa nakakasuhan.
Iginiit din ni Baligod na habang tumatagal ay lumiliit din ang tiyansa na mapapanagot pa ang mga ito, lalo na at papalapit na ang eleksyon.
“Medyo malaki na po ang aking pagdududa na tatapusin ng kasalukuyang administrasyon ‘yung pagsasampa ng kaso laban sa mga involve sa PDAF scam dahil mukha po talagang napasukan na din ng pulitika ‘yung proseso, maliwanag po na maraming kaalyado pa rin ang hindi nila sinasampahan ng kaso, at dahil malapit na po ang eleksyon, mas bibigat ang paniwala natin na baka hindi talaga nila isasampa.” Ani Baligod.
Selective prosecution
Mayroon pang 20 mambabatas at 2 gobernador na hindi nakasama sa ikatlong batch ng mga kinasuhan kaugnay sa pork barrel scam.
Sinabi ito ni Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower sa pork barrel scam.
Ipinaliwanag ni Baligod na hawak na ng Department of Justice (DOJ) ang lahat ng dokumento kaugnay sa kaso at makakabuti sana kung susunud-sunurin na nito ang pagsasampa ng kaso upang mabura na ang usapin ng impunity.
“29 pa na mambabatas ang dapat kasali sa 3rd batch ngunit 9 lamang po ang naisampa ng DOJ, ano po ang ginagawa ng DOJ doon sa mga dokumento patungkol sa 20 pa na naiwan po, 2 gobernador na kaalyado po ng ating administrasyon ang hindi nila isinali.” Giit ni Baligod.
Samantala, tinawag naman ni Baligod na “selective prosecution,” ang ginagawa ng administrasyon kung saan inabot na ng mahigit sa isang taon bago naisampa ang ikatlong batch subalit kulang pa din ito.
“Selective prosecution po siguro ang mas pag-describe dito sa ginagawa ng administrasyon, pilit na pilit po ‘yung pagsampa dito sa 9 na mambabatas pagkatapos po ‘yan ng halos isang taon simula noong prinomesa nila na isasampa nila ‘yung 3rd batch.” Dagdag ni Baligod.
DOJ nagpaliwanag
Kaugnay nito, muling pinabulaanan ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi agad naisampa ang kaso laban sa ikatlong batch ng mga sangkot pork barrel scam, dahil kaalyado ng administrasyong Aquino ang ilan sa mga ito.
Sinabi ni de Lima na natagalan lamang sila sa pag beberipika ng lagda ng 5 mambabatas na una nang hiniling sa NBI na i-double check ang kanilang lagda.
Kabilang aniya sa mga humiling na beripekahin ang kanilang lagda, ay sina Cong. Conrado Estrella III, Amado Bagatsing, Rufus Rodriguez, Victor Ortega at TESDA Dir. Gen. Joel Villanueva.
Nilinaw din ni de Lima na hindi pa maituturing na respondent sa kaso ang nasa ikatlong batch, dahil ang mga ito ay iimbestigahan pa ng Office of the Ombudsman, na magpapasya kung dapat kasuhan ang grupo sa Sandiganbayan.
Nilinaw na di pa akusado ang mga nasa 3rd batch, dadaan pa ito sa imbestigasyon ng Ombudsman at maaari pang ibasura ang kanilang letter complaint at maaari pang ibasura ang reklamo kung walang sapat na batayan.
By Katrina Valle | Mariboy Ysibido | Bert Mozo (Patrol 3)