Magkakaroon ng rebate o balik-bayad ang maynilad sa mga customer nito sa Southern Metro Manila at Cavite na naapektuhan ng mahabang service interruption, kamakailan.
Ito na ang magiging ika-apat na rebate ng Maynilad simula 2021 bunsod ng problema sa Putatan water treatment facility sa Muntinlupa City.
Gayunman, wala pang detalye kung magkano ang mismong balik-bayad subalit sisikapin umano ng Maynilad at Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office na isama ito sa February bill.
Humingi naman ng paumanhin si maynilad Water Supply Operations Head Ronald Padua sa lahat ng naapektuhan at tiniyak ang mabilis na pagsasa-ayos sa nasirang pasilidad.
Ayon kay Padua, matindi kasi ang supply ng burak na galing Laguna lake kaya’t nagkaproblema ang tinatawag na scraper ng pasilidad o naghihiwalay ng dumi sa tubig.
Sa ngayon, pitumpu’t limang porsiyento nang tapos ang repair works sa putatan plant kaya mahigit nobenta porsiyento na ring balik sa normal ang supply ng tubig sa mga apektadong lugar.
Target naman ng Maynilad na maibalik sa isandaang porsiyento ang supply bago matapos ang buwan.