Nanawagan ang mga doktor at nurse na nagsisilbing medical frontliners kay Pangulong Rodrigo Duterte na muling isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
Ito’y upang bigyang pagkakataon ang mga medical frontliner na makapagpahinga at makabawi ng lakas mula sa namemeligrong estado ng medical health facilities dahil sa dami ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Philippine College of Physicians Vice President Dr. Maricar Limpin, mula aniya nang isailalim ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) ay biglang sumipang muli ang kaso ng COVID-19.
Batid naman ng mga medical frontliner ang pagnanais ng pamahalaan na buhayin muli ang ekonomiya sa Metro Manila subalit kailangan ding ikonsidera ang kalusugan ng mas nakararami na mahahawaan at mamamatay dahil sa virus.
Hindi aniya kakayanin ng Metro Manila ang mas marami pang kaso ng COVID-19 kung mismong ang mga medical frontliner na ang siyang padadapain ng nasabing virus dahil sa sobrang pagod ng mga ito sa pag-aasikaso sa mga pasyente.