Quezon City – Isang makasaysayang tagpo ang bumalot sa Unang Distrito ng Quezon City nitong Marso 30, 2025, nang dagsain ng daan-daang residente ang isinagawang misa at kick-off rally sa Toro Hills Subdivision Basketball Court, Brgy. Bahay Toro. Ito ang opisyal na hudyat ng pagbabalik ng Serbisyong Crisologo sa distrito.
Pinangunahan nina Bro. Bingbong Crisologo, na muling kumakandidato bilang Kongresista, at Konsehala Nikki Crisologo, na naghahangad ng panibagong termino, ang pagtitipon na nagbigay-sigla at inspirasyon sa mga taga-Distrito Uno. Mistulang dagat ng asul ang paligid habang umaapaw ang suporta ng mga dumalo.
Bilang pagsisimula, binasbasan nina Running Priest Father Robert Reyes sina Bingbong at Nikki upang maging matagumpay ang kanilang layunin na muling makapaglingkod nang tapat at walang pag-iimbot. Damang-dama ang alab ng panawagan ng taumbayan—isang matinding sigaw ng pagbabalik ng tunay na malasakit at serbisyo.
“Babalik na muli ang Serbisyo Crisologo!”
Ganito ang dumadagundong na sigaw ng mga residente, na mariing ipinahayag ang kanilang pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon. Ayon sa kanila, ramdam ang kakulangan ng malasakit sa pamamahala, kaya’t itinutulak nilang muling makabalik ang mga Crisologo upang maibalik ang tunay na serbisyo sa distrito.
“Napakahirap ng naging sitwasyon ng Distrito Uno nitong mga nakaraang taon. Kailangan natin ng lider na may malasakit, may puso para sa tao, at tunay na naglilingkod. Hindi ito tungkol sa pulitika—tungkol ito sa kinabukasan ng ating distrito,” ani ng isang residente.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Nikki ang pangangailangan ng Distrito Uno para sa isang lideratong may tunay na malasakit. Aniya, “Handa kaming muling manindigan para sa taumbayan. Ngunit hindi namin ito magagawa nang mag-isa—kailangan namin ang inyong suporta.”
Samantala, muling ipinangako ni Cong. Bingbong Crisologo na ibabalik ang serbisyong direkta at may malasakit sa taumbayan. “Babalik ako sa masa, sa barangay, sa bawat pamilya—dahil iyan ang tunay na Serbisyong Crisologo,” aniya.