Handa ang Balikatan Exercises 2016 Committee na idaos sa bahagi ng West Philippine Sea ang military drill ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Ayon kay Vice Admiral Alexander Lopez, commander ng AFP Western Command at direktor ng Balikatan sa Pilipinas, kung ipag-uutos ng kanilang mga nakatataas na opisyal na idaos sa Kalayaan Island ang isa sa mga aktibidad ng Balikatan ay susundin nila ito.
Bagaman wala pa anya ito sa kanilang plano, tiyak namang isasagawa sa Puerto Princesa, Palawan ang isa sa mga joint activities ng AFP at US Armed Forces.
Bukod sa Palawan, idaraos din ang Balikatan exercises sa Rizal, Nueva Ecija, Tarlac, Cebu, Pampanga at Isla ng Panay.
Maka-ilang ulit na inihayag ng militar na walang kinalaman sa sitwasyon ngayon sa West Philippine Sea ang military drill ng pwersa ng Pilipinas at Amerika kung saan observer ang Japan, Australia at Vietnam.
Rocket launcher
Ipinakita ng US forces sa Balikatan 2016 military exercise ang paggamit ng high-mobility rocket launcher.
Ayon kay Balikatan Public Affairs Officer Capt. Celeste Frank Sayson, 6 na practice rockets ang pinakawalan ng mga sundalong Kano sa Philippine Military Target Range sa Crow Valley sa lalawigan ng Tarlac.
Sinabi ni Sayson na ang M142 high-mobility artillery rocket system o HIMARS ay inilunsad bilang bahagi ng exercises.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpakawala ang US forces ng mga rocket sa teritoryo ng Pilipinas.
Ipinagmalaki naman ni Sayson na namangha ang mga sundalong Pinoy sa kanilang natunghayan sa weapon system ng Amerika.
By Jelbert Perdez