Hawak na ng Kamara ang mga ballot boxes na naglalaman ng Certificate of Canvass at Election Returns na idiniliver mula sa Senado.
Pasado alas-5 ng madaling araw nang dumating sa Kamara ang mga nasabing ballot boxes sakay ng military trucks at dalawang armored personnel carriers ng AFP.
Mismong si House Sergeant at Arms Retired Police Brigadier General Rodelio Jocson ang sumalubong kay Senate Sergeant at Arms Retired Major General Rene Samonte nang dumating sa batasang pambansa ang convoy ng truck na may sakay na 167 ballot boxes ng COCs at 441 boxes ng ERs.
Matapos sumalang sa K9 inspection, ang mga ballot boxes at ERs ay inispeksyon ng Canvassing Board Secretariat bago isinailalim sa x-ray inspection.
Nasa halos 91% o 90.17% na o 156 COCs mula sa 173 COCs ang natanggap na ng senado na tuluy-tuloy sa pagtanggap ng COCs hanggang bukas.
Bukas, Martes ay magkakaroon ng joint session ang Senado at Kamara simula alas-10 ng umaga sa Batasang Pambansa at magko-convene bilang National Board of Canvassers ng alas-3 ng hapon. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)