Gumugulong na ang nakasampang election protest ni dating Senator Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Itoy makaraang ipag-utos ng Presidential Electoral Tribunal o PET ang retrieval ng mga balota mula sa tatlong pilot provinces na Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental na nais na maisailalim ng kampo ni dating Senador Marcos sa revision o manual recount.
Sa resolusyon ng PET, sinabi nito na maaari nang masimulan ang pagkolekta sa mga ballot box, election document, manu-manong pagbibilang ng mga balota at pagtanggap ng ebidensya mula sa nabangit na tatlong lalawigan.
Paliwanag naman ng Korte Suprema, sa ilalim ng Rule 65 ng 2010 PET rules, dapat bigyang daan muna ang revision of ballot sa mga pilot provinces at mula roon, saka pa lamang magdedesisyon ang PET kung nararapat bang magsagawa pa ng recount sa iba pang kinukuwestyong lalawigan.
Sa nasabing tatlong pilot provinces, aabot naman sa kabuuang 5,418 ballot box ang kinakailangang samsamin at madala sa Supreme Court Gymnasium sa Padre Faura St. Ermita, Maynila ang lugar na pagsasagawaan naman ng manual recount sa poll protest nina Marcos at Robredo.
AR/ DWIZ 882