Magpapatuloy ang operasyon ng paliparan para sa mga international flights.
Ito ang napagkasunduan ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) kahit pa matapos ang 72-hour window mula nang ideklara ang enhance community quarantine sa Luzon.
Dahil dito, maaari pa ring makabiyahe palabas ng bansa ang lahat ng pasahero, anuman ang lahi, maliban lamang sa mga turistang Pinoy.
Papayagan ding makapasok sa bansa ang mga inbound international passengers ngunit kailangang dumaan sa mahigpit na Immigration at quarantine protocols.
Kailangan namang magpakita ng medical certificates of good health ang mga pasaherong magmumula sa Italy at Iran na validated ng kanilang embahada.
Papayagan din naman ang mga sweeper flights sa mga dayuhan.
Samantala, isa lang ang pahihintulutang maghatid sa bawat pasahero sa airport at kinakailangang agad din itong umalis matapos maibaba ang pasahero sa departure area.
Kailangan ding mayroong kopya ang driver ng airline ticket ng kanyang pasaherong ihahatid.