Patuloy pa rin na umiiral ang ban sa open pit mining.
Ito ang paglilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque sa kabila ng rekomendasyon ng MICC o Mining Industry Coordinating Council na ibalik na ang open pit mining sa bansa.
Ayon kay Roque personal na sinabi sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi magbabago ang kaniyang polisiya na ipagbawal pa rin ang open pit mining sa bansa.
Magugunitang si dating Environment Secretary Gina Lopez ang nagpalabas ng administrative order na nagbabawal sa open pit mining.
Ngunit inihayag ni DENR Secretary Roy Cimatu noong Oktubre na babawiin na ang ban sa open pit mining bago matapos ang taong kasalukuyan na papabor sa MICC.