Nagsimula na ang pag-upak ni Vice President Jejomar Binay matapos niyang wakasan ang kanyang pagiging kasapi ng gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino.
At sa kanyang banat sa dati niyang boss, tinawag niyang palpak at manhid ang pamamahala ng Aquino administration.
Bagay na ikinagulat ng lahat, dahil sa limang taon niyang pagiging team player, ay bigla na lamang siyang kumambiyo at sabihing hindi umano maganda ang palakad ng kasalukuyang gobyerno.
Kaya naman, interpretasyon ng ilan ay sa tagal ng panahon niyang nanahimik, ibig sabihin nito na tama at walang nagawang mali ang pamamalakad ng Aquino Administration.
Bigla na lamang umasim ang samahan, nang inunti-unti siyang banatan nga mga sinasabing kaalyado sa mga alegasyon ng katiwalian mula sa umano’y overpriced na Makati City Building hanggang sa mga tagong yaman na humantong sa pagkakahalungkat ng mga ari-arian at negosyo ng pamilya Binay.
At ang masaklap na katotohanan ay nang malaman niyang hindi niya makukuha ang bendisyon at endorsement mula kay Pangulong Aquino sa darating na halalan.
Tuloy napakamot sa ulo ang ordinaryong Pilipino, bakit nagkaganon ang relasyon ni Pnoy at VPJo.
Hindi ba napakalapit ng kanilang pamilya nang pareho nilang ipinaglaban ang kalayaan ng bansa.
At dahil magkaiba nang landas ang kanilang tatahakin, si VP Binay ay isusulong at palalakasin daw ang partido ng oposisyon upang tuluyang banggain ang mamanukin ng administrasyon.
Pero ang tanong, magiging solid kaya ang oposisyon matapos ang kabanatang ito?
Isa pang tanong, meron pa bang sasanib sa pangkat ni Binay, lalo’t walang katapusang akusasyon ang siguradong ipupukol sa kanilang hanay?
Posible bang ang aanib sa oposisyon o kay VP Binay ay mabibiktima ng ika nga “kiss of death” at madadamay ang isang nangangarap na pulitiko?
Kaya ngayon pa lamang ay dapat maging maingat ang mga botante lalo na sa mga sinasabi ngayon ng mga pulitiko.
Totoo nga ang kasabihan: na sa Pulitika, walang permanenteng kakampi at kaaway, tanging permanente lamang ang kanilang interes.