Malaki umano ang epekto sa hudikatura ng pagbabangayan ng mga mahistrado ng korte suprema sa gitna ng impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon, nakalulungkot ang kinakaharap na kontrobersya ng hudikatura partikular ang impeachment ng punong mahistrado.
“Hindi ako taga loob kaya hindi ko alam kung anong nangyayari ngunit mukhang hindi nagkakaintindihan ang mga mahistrado at ang nakakalungkot, ito ay nagiging kasama sa public sa news at ngayon lang nangyayari ito sa aking pagkakaalam. Limampung taon akong abugado at ngayon ko lang nakikita ang ganitong klaseng bangayan. Nakakalungkot at nakakasama sa ating korte suprema at nakakaapekto sa pagtingin ng taongbayan sa administration of justice.”
Naniniwala naman si Drilon na walang mali sa pagkakatalaga kay Sereno bilang pinuno ng hudikatura.
Ito’y sa kabila ng ilang petisyong inihain sa supreme court na humihiling na ipawalang-bisa ang appointment ni Sereno dahil umano sa mga paglabag tulad sa issue ng qualifications.
“Tatlo lamang ang kwalipikasyon na kailangan bago maging mahistrado ng korte suprema- Natural born citizen, 45 years of age atsaka practice of law for 15 years. Eh kung lahat po yan ay yan ang minimum requirement ng ating saligang batas, kung natupad po lahat yan, eh sa aking opinyon, ang additional grounds na sinasabi nila, pwede pong sabihin na yan ay violation of public trust ngunit impeachment ang pinag-uusapan, hindi po yung mag que-question ng validity ng kanyang appointment at yan po ay kasama po sa….pwedeng sabihing ‘’ ground of impeachment’’ .
(From Usapang Senado Interview)