Nanawagan ng ceasefire o tigil putakan si Senate Minority Leader Franklin Drilon kina Pangulong Rodrigo Duterte at Ombudsman Conchita Carpio – Morales.
Ayon kay Drilon, walang magandang patutunguhan ang bangayan ng dalawa kaya’t mas mainam aniyang idaan na lamang sa legal na proseso ang kanilang hidwaan.
Giit ng senador, dapat sundin ng Pangulo ang Saligang Batas gayundin ang Rule of Law kung saan, nakasaad na tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihang mag-imbestiga at mag-usig sa mga impeachable officials tulad ng Ombudsman at Chief Justice.
Binigyang diin pa ni Drilon na hindi maaaring gamitin ng Pangulo ang kapangyarihan o impluwensya nito laban sa co-equal branch nito na lehislatura at ang hudikatura gayundin sa isang independent body tulad ng Ombudsman.