Naging mainit din ang sagutan nina Senators Cynthia Villar at Raffy Tulfo sa issue ng rice tarrification o liberalization law.
Ito’y makaraang punahin ni Tulfo ang kabiguan umano ng nasabing batas na tulungan ang mga magsasaka at mapababa ang presyo ng agricultural products, partikular ng bigas.
Sa Senate hearing ng 2023 DA budget kung saan sponsor si Villar, iginiit nito na nakatulong ang rice tarrification law sa mga magsasaka.
Kahit siya anya ang nag-akda ng naturang batas, hindi siya nagsisisi dahil kumikita naman ang mga maliit na magsasaka upang mapatatag ang supply ng pagkain.
Binigyang-diin ni Villar na masusi niyang pinag-aralan ang batas at ikinumpara ang produksyon ng palay ng Pilipinas sa Vietnam.
Samantala, dahil mainit ang sagutan ng dalawa, sinuspinde ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang sesyon at nang bumalik sinabi ni Tulfo na magpi-privilege speech na lang siya ukol sa isyu. —Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)