Itutuloy mo pa rin ba ang pagbyahe kahit na masama ang panahon at puno ang bangka na sinasakyan mo?
Isang bangka na may sakay na 278 katao sa Congo ang malapit na sana sa daungan ngunit nauwi pa sa isang trahedya.
Kung paano ito nangyari, alamin natin.
Sa isang video na nakuhanan sa Lake Kivu sa Goma, Democratic Republic of Congo makikita muna ang isang bangka na tila sumasayaw sa gitna ng mga alon bago ito unti-unting tumagilid at hindi nagtagal ay tuluyan ding tumaob.
Ang bangka raw ay punong-puno ng mga bagahe at may sakay na 278 katao kahit na 30 pasahero lang dapat ang sakay niyan.
Higit pa riyan, itinuloy pa rin ang paglalayag ng bangka kahit na masama ang panahon at walang available na life jackets.
Ayon sa report, 78 ang nasawi sa insidente at may posibilidad pang madagdagan dahil patuloy pa rin ang imbestigasyon at paghahanap sa mga nawawalang pasahero.
Hindi na raw bago sa Democratic Republic of Congo ang ganitong mga klaseng insidente dahil makailang beses na itong nangyari nang mga nakaraang taon pa.
Kaugnay naman nito ang dati nang ipinangako ng gobyerno na parurusahan ang sinumang hindi susunod sa safety measures na itinalaga para sa water transportation.
Tinutukoy pa rin kung sino ang dapat na managot sa pangyayari.
Ikaw, ano masasabi mo sa malagim na pangyayaring ito?