Bumulaga ang katawan ng isang babae na hinihinalang tinortyur bago pinatay sa isang beach sa Sta. Cruz, Davao Del Sur.
Ayon sa Sta. Cruz Police, natagpuan ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatali ang paa gamit ang nylon at nakakabit sa isang water container na may lamang semento ang bangkay ng biktima.
Kapansin-pansin din umano na winarak ang tiyan ng babae, at nagtamo rin ito ng tama sa mukha kaya hindi pa rin matukoy ang pagkakilanlan nito.
Lahad ng pulisya, blonde, may tattoo sa kilay at nakapustiso ang naturang babae.
Tinataya ring nasa edad 25 hanggang 35 ang babae, maputi at may tangkad na 5-foot-2.
Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng mga otorida ang motibo ng marahas na pagpatay sa biktima. – sa panulat ni Mara Valle