Natagpuan na ang labi ng apat na Overseas Filipino Workers (OFW’s) na dinukot at pinatay ng grupong Islamic State (ISIS) sa Libya noong 2015.
Nakita ang labi ng apat na OFW sa sementeryo sa Derna, Libya nitong Lunes na dinukot at pinaslang noong March 6, 2015 mula sa Ghani Oil Field ayon sa Department of Foreign Affairs.
Ayon sa embahada ng Pilipinas sa Tripoli Charge d’ Affaires at Head of Mission Elmer Cato, muling nabuhay ang kaso ng nawawalang mga OFW dalawang taon matapos mapanood ang video ng execution sa mga OFW sa laptop na nakumpiska mula sa mga napatay na IS fighters sa Derna.
Matatandaang, ipinagpalagay ng patay ang mga naturang OFW sa kabila na hindi pa natatagpuan ang kanilang mga labi noon.
Dagdag ni Cato, nasabihan na ang mga pamilya ng mga nasawing OFW na sina Donato Santiago, Gregorio Titan, Roldan Blaza, Wilson Eligue kaugnay sa balitang ito at patuloy na inaayos ng embahada ang kakailanganin upang maiuwi ang mga labi ng naturang OFW sa Pilipinas.— sa panulat ni Agustina Nolasco