Nanindigan ang Bamgsamoro Autonomous Region Police Office na sumaklolo lamang sa tawag ng isang kasamahan ang mga pulis na nakapatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu nitong Lunes.
Ayon kay Bangsamoro Police Director P/Bgen. Manuel Abu, tumawag umano ang isang tauhan nila mula sa provincial drug enforcement unit ng sulu sa Jolo Municipal Police Station hinggil sa isang sasakyang ilang araw nang naniniktik sa kaniya.
Kuwento ni Abu, nang makarating na ang siyam na pulis na nagpapatrulya sa lugar, agad sinita ang apat na nakasibilyan, may bitbit pang baril at nagpakilalang mga sundalo subalit wala namang maipakitang ID.
Sa halip na mahinahong makipag-usap, binulyawan pa umano ng mga nakasibilyang lulan ng isang SUV ang mga sumitang pulis kaya’t napagpasyahang imbitahan ang mga ito sa istasyon ng pulisya para sa verification.
Pero pagdating na aniya sa Jolo Municipal Police Office ay bigla na lang humarurot ang sasakyan ng mga sundalo kaya’t humantong naman sa habulan.
Nang maabutan ng siyam na pulis ang mga sundalo dahil sa traffic, bumaba ang dalawa sa apat na sakay ng SUV na may bitbit na baril at ambang magpapaputok kaya’t inunahan na umano nila ang mga ito.