Makailang beses na tayong nakarinig ng mga reklamo patungkol sa investment scam na kung saan ang hangad ng mga namumuhunan dito ay upang lumago umano ang kanilang perang pinag-ipunan.
Ngunit nito lamang buwan na ito, ay naging bangungot ang pangarap at panaginip ng nasa labing-walong investor ng kompaniyang One Dream Global Marketing Incorporated sa Batangas, na sinasabing nanloko umano ng kanilang mga parokyano.
Batay sa reklamo, naakit ang mga biktima sa pangakong “get rich quick” o “money-back guarantee” na siyang madalas na pinalalabas ng mga recruiter na ito.
Tulad nitong One Dream, may pangakong higit sa isang milyong pisong kita raw kapag nakapang-akit sila ng maraming investors, sa pamamagitan ng networking.
Kaya ngayon, imbes na kumita, biktima sila ng syndicated estafa dahil hanggang ngayon ay tila itinakbo umano ng mga founder nito ang bilyon-bilyong pisong pondo ng kompaniya.
Dito tayo mga Pilipino ang madaling naakit kapag gusto nating kumita at maging milyonaryo in an instant.
Madalas epekto iyan ng inggit dahil sa mga post nito sa Facebook o sa ilang social networking sites na nagpapakita ng limpak-limpak na salapi na nakukuha ng isang investor.
Meron din ay ibinabandera ang mga bago, magagara at mga mamahaling sasakyan na kanilang nabili na siyang katas o bunga at resulta ng pagsali nila sa investment business.
Ang hindi natin maintindihan ay bakit hanggang ngayon ay marami pa ring mga naloloko dito at hindi naging aral ang mga nagdaang karanasan ng ilan nating kababayan.
Hindi naman masamang mangarap, pero kapag ang inyong hinahangad na kasaganahan ay hindi mo tatapatan ng sipag at tiyaga, ay tiyak na diyan ka madadale ng mga ilegal na gawain.
Mas maigi sana, bago sumali sa anumang investment scheme na ito, ay dapat sumangguni muna sa Securities and Exchange Commission (SEC) upang alamin ang katatagan at tunay na negosyo ng isang kumpaniya.
Maging aral na sana ito at wala nang iba pang maging biktima ng panlolokong umuusbong sa ating bansa.
At sa mga sangkot sa ilegal na gawaing ito, ang aming panaginip ay madakip kayo sa madaling panahon at harapin ang parusang naka-atang sa inyo dahil ang dami niyo ng buhay at pangarap na winasak at pinaasa.