Bigong mabuksan ang kontrobersyal na bank account ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa sangay ng BPI-Julia Vargas sa Pasig City.
Ito’y ayon kay Atty. Salvador Panelo, abogado ni Duterte ay kahit pa binigyan na siya ng kapangyarihan para mabuksan ang kuwestyunableng account.
Aniya, hindi pumayag ang pamunuan ng nasabing sangay ng bangko dahil kailangan muna nilang pag-aralan ang kahilingan ng alkalde.
Posible naman ayon sa bangko na mabuksan ang isang account kung ito’y hiniling ng isang ordinaryong depositor.
Ngunit sa kaso ni Duterte, itinuturing itong isang ispesyal na kaso kaya’t humiling sila ng pitong araw na palugit para pag-aralan ang kahilingan ng alkalde.
Binigyang diin pa ng pamunuan ng naturang bangko ayon kay Panelo na nasa diskresyon pa rin nila kung bubuksan ang nasabing bank account kahit pa mismo ang alkalde ang magtungo roon sa kanila para hilingin ito.
Duterte, sinungaling—Trillanes
Tinawag na sinungaling at duwag ni senador Antonio Trillanes si Davao city mayor Rodrigo Duterte
Ito’y makaraang mabigo si Trillanes na makita ang detalye ng kinukuwesyon niyang bank account sa sangay ng BPI sa Pasig City.
Ayon kay Trillanes, sumunod siya sa kahilingan ni Duterte na mag-execute ng isang affidavit ngunit sa halip na humarap ng personal, abogado nito ang ipinaharap sa kaniya.
Dahil dito, sinabi ni Trillanes na kaniya nang niluluto ang mga isasampang kaso laban kay Duterte tulad ng paglabag sa SAL-N, posibleng tax evation at plunder.
Ito’y sa sandali aniyang mapatunayan na nagkaroon nga ng mahigit 200 milyong piso si Duterte sa kuwestyunableng bank account.
Transaction list
Inilabas ni Senador Antonio Trillanes ang listahan ng mga transaksyong ginawa ng mag-amang Rodrigo Duterte at Sara Duterte – Carpio.
Sa isinagawang pulong balitaan kanina, ipinakita ng senador ang isang transaksyon ng mag-ama noong Disyembre noong isang taon na nagkakahalaga ng mahigit P16 na milyong piso.
Sinabi ni Trillanes na isa pa lamang ito sa 71 transaksyon na ginawa ng mag-ama kaya’t nakapagkamal ang mga ito ng mahigit 200 milyong piso.
Gayunman, hindi pa rin inihayag ni Trillanes kung paano niya nakuha ang nasabing transaksyon ng alkalde.
By Jaymark Dagala | Jonathan Andal | Jill Resontoc