May nakatago umanong bank account si Senador Antonio Trillanes IV na naglalaman ng malalaking halaga ng pera.
Ito ang isa pang buwelta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga alegasyon sa kanya ng senador na nagkakamal umano ng mga tagong yaman.
Sa kanyang talumpati sa ika-dalawampu’t anim na anibersaryo ng Mindanao Business Conference sa Cagayan de Oro City, sinabi ng pangulo na naghahanda na sila ng malakas na bomba laban sa senador.
Kabilang anya sa mga bansang pinagtataguan ni Trillanes ng kaniyang mga umano’y tagong yaman ay Australia, Hongkong at maging sa Amerika kaya’t malinaw na duwag at puro pagbibintang lamang anya ang kayang gawin ng senador.
Sen. Trillanes, nanindigan na trabaho lamang ang ginagawa nito upang mailahad ang katotohanan
Nanindigan si Senador Antonio Trillanes IV na ginagawa lamang nito ang kaniyang trabaho na ilahad ang katotohanan sa publiko.
Ito ang reaksyon ng senador nang buweltahan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga banat at birada nito laban sa unang pamilya.
Ayon kay Trillanes, wala siyang paki-alam kung tawagin man siyang duwag ng pangulo dahil wala naman aniya itong ibang alam gawin kung hindi manakot.
Giit pa ni Trillanes, pinaglalaruan lamang ng pangulo ang publiko na kunwari aniya’y galit sa iligal na droga ngunit ang totoo aniya’y sila ang numero unong nagpapasok nito sa bansa.