Planong ipa-subpoena ng impeachment prosecution team, ang bank records ni Vice President Sara Duterte sakaling magsimula na ang paglilitis sa senado bilang impeachment court.
Ito’y bilang bahagi ng pagpapalakas sa kaso laban sa Bise Presidente kapag nag-convene na ang Senado.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, isa sa mga miyembro ng 11-man prosecution team, inaaral na nila ang legal options upang makuha ang financial records na maaaring may kaugnayan sa mga partikular na articles of impeachment laban kay VP Duterte.
Binigyang diin ng mambabatas na handa silang magpresenta ng mga ebidensya sakaling simulan na ang impeachment trial.
Iginiit ni Cong. Chua, na hindi magiging hadlang sa trabaho ang pagkaka-adjourn ng kongreso para pagtibayin ang mga kaso laban sa pangalawang pangulo.
Samantala, plano rin ng house prosecutors na makipag-ugnayan sa Anti-Money Laundering Council at Commission on Audit upang masuri ang financial transactions na maiuugnay sa umano’y iregularidad sa pondo ng bayan.