Idinipensa ni Philippine National Police o PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang Station 6 ng Quezon City Police District o QCPD na nasa likod umano ng maraming pagpatay kaugnay sa war on drugs ng gobyernong Duterte.
Kasunod na rin ito ng special report ng Reuters na nag-imbestiga ng apat na buwan sa pagpatay ng anito’y isang grupo ng mga pulis mula o malapit sa Davao City ang hometown ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Bato na ang District 6 sa Quezon City ang mayroong pinakamatinding problema sa illegal drugs sa Metro Manila kaya’t ipinadala niya si Squad Commander Lito Patay sa Station 6 dahil sa aniya’y very professional at very dedicated na pagharap nito sa naturang problema.
Si Patay ang pumili at nanguna sa unit ng sampung pulis na tinaguriang Davao Boys na may nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng mga napatay o nasa isandaan at walo (108) mula July 2016 hanggang June 2017.
Foul naman ang tugon ng Malacañang sa nasabing Reuters report na anito’y one sided story lamang.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi sila nakapagbigay ng bersyon sa nasabing kuwento na hinihingi ng Reuters dahil sa naghahabol sila sa isang briefing.
—-