Tinawag ni Vice President Leni Robredo na pinaka-nakaririmarim na regalo ngayong pasko ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbabalik sa Martial Law.
Ito’y makaraang sabihin ng Pangulo na dapat baguhin ang probisyon sa saligang batas patungkol sa pagdedeklara ng batas militar at ang Presidente na lamang ang magdedesisyon at hindi na kakailanganin pa ng approval ng Kongreso at Korte Suprema.
Para kay Robredo, nakakatakot ang paghamon ng Pangulo sa mga probisyon ng konstitusyon na nangangalaga sa demokrasya.
Isang malaking insulto aniya sa mga Pilipinong nakaranas ng matinding takot at paghihirap noong martial law ang sinabi ng Pangulo na “reckless reaction” lamang sa rehimeng Marcos ang ilang probisyon ng 1987 Constitution.
Dahil dito, hinikayat ng Bise-Presidente ang publiko na bantayang maigi ang tangkang pagbuhay sa Martial Law at labanan ang mga galaw na nagtatangkang sumupil sa kalayaan ng mga Pilipino.
By: Meann Tanbio / Jonathan Andal