Walang nakikitang mali ang Malakanyang sa naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Estados Unidos.
Kaugnay ito ng babala ng Pangulo na tuluyang kakanselahin ang Visiting Forces Agreement (VFA) kung mabibigo ang Estados Unidos na magkapagsuplay bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi maaaring ipagkait sa Pangulo ang pagpapasiya hinggil sa VFA bilang ito ang Chief Architect ng foreign policy ng bansa.
Iginiit ni Roque, hindi maituturinng na “blackmail” ang ginagawa ni Pangulong Duterte bagkus ay pagpapakitang may umiiral na malayang foreign policy ang Pilipinas at hindi sunod-sunuran sa ibang bansa.
Dagdag ni Roque, sa kanyang opinyon ginawa ng Pangulo ang pagbabanta para matiyak na makatatanggap ng suplay ng bakuna kontra COVID-19 ang bansa.