Nabunyag na sasabayan umano ng mga pag-atake ng mga terorista ang pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa Maynila sa Enero 9.
Ito ang ibinabala ng ilang intelligence officials na tumangging magpakilala batay sa resulta ginawang tactical interrogation sa mga suspek sa madugong Davao City bombing noong Setyembre ng nakalipas na taon.
Ayon sa mga source, inamin umano ng isa sa mga nahuling suspek ang pag-atake sa pista na itinuturing nilang ‘D-Day’ dahil sa milyun-milyong deboto ang tiyak na daragsa sa nasabing pagdiriwang.
Magugunita na ang Maute group mula sa Mindanao ang siyang itinuturong nasa likod ng mga pag-atake sa Davao night market at Hilongos sa Leyte gayundin ang pag-iiwan ng improvised explosive device (IED) hindi kalayuan sa US Embassy sa Maynila noong isang taon.
No security threat
Kapwa tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Pambansang Pulisya ang seguridad at kaligtasan ng mga dadalo sa pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ito’y makaraang ihayag ng ilang intelligence officials ang niluluto umanong pag-atake ng mga miyembro ng Maute Group sa mismong araw ng traslacion.
Ayon kay Col. Edgard Arevalo, pinuno ng Public Affiars Office ng AFP, wala silang natatanggap na impormasyon hinggil sa anumang maaaring banta sa seguridad ng prusisyon o sa mga taong dadalo rito.
Sa panig naman ni PNP Spokesman S/Supt. Dionardo Carlos, sinabi nito na kung mayroon mang banta sa kaligtasan ng pista, agad nila itong ipaaalam upang mabigyang babala ang publiko.
Samantala, hindi na nagtataka ang isang security expert kung sasamantalahin man ng mga terorista ang pista ng Itim na Nazareno upang makapaghasik ng lagim.
Ayon kay Professor Rommel Banlaoi ng University of the Philippines Institute for Peace, Violence and Terrorism, pagkakataon aniya ito upang isagawa ng mga terorista ang kanilang Jihad o Holy War.
Tila napakasarap aniya para sa mga terorista ang maghasik ng lagim dahil sa dami ng mga dadalo sa nasabing pagdiriwang na tinatayang papalo sa labinlima hanggang labing walong milyon.
Magugunitang nagpatupad din ng signal jamming ang pulisya noong mga taong 2005 at 2012 matapos mabunyag ang banta ng terorismo sa kasagsagan ng traslacion.
By Jaymark Dagala