Hindi papayagan ni Senadora Grace Poe na matuloy ang pagbubukas muli sa imbestigasyon sa madugong Mamasapano incident kung wala namang bagong ebidensya dito.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Poe na nais niyang masiguro na mayroong matibay o mahalagang impormasyon hinggil sa malagim na sinapit na 44 na PNP-SAF members para matuloy ang imbestigasyon.
Katunayan, iginiit ni Poe na makikipag-usap muna siya kay Senador Juan Ponce Enrile para alamin kung may bago itong ilalahad o bagong kwestiyon lamang sa nangyaring masaker.
Ayon kay Poe, sa pamamagitan nito’y matitiyak na hindi magagamit sa pulitika o hindi magiging sirkus lamang ang imbestigasyon na isasagawa ng Committe on Public Order.
“Mabuti nang mag-usap muna kami siguro ng mga tanggapan para lang masiguradong may kaayusan pag binuksan natin itong hearing, kasi kung nararamdaman ko halimbawa na ito’y gagamitin lamang para sa personal na kadahilanan hindi ko papayagan na ganun ang mangyari.” Pahayag ni Poe.
“Ayokong sabihin ng ating mga kababayan na may mga tinatago ako diyan, may isang nagsisigaw na nagsasabing merong kulang, may kailangang gawin tapos sasabihin ko na lang na pasensya na tapos na, ang pinakaimportante ay malaman natin ang katotohanan, liliwanagin ko muna na talagang meron silang mga bagong dapat ipe-presinta o isang compelling question na magpapakita ng iba pang sitwasyon na nangyari doon.” Dagdag ni Poe
By Jelbert Perdez | Sapol Ni Jarius Bondoc