Hinimok naman ni Justice Secretary Boying Remulla si suspended Bureau of Corrections Director Gerald Bantag na maghain na ng kontra-salaysay kung hindi pa ito nakalalabas ng bansa.
Ito ang tugon ni Remulla sa tanong kung nasa Pilipinas pa rin si Bantag, isa sa mga itinuturong mastermind sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon sa kalihim, hindi basta maaaring umalis ng bansa, lalo ang isang government official kapag walang travel authority maliban na lamang kung gagamit ng karaniwang passport.
Dapat din anyang iwasan ni Bantag ang pagbibigay ng sagot sa pamamagitan ng media bilang paggalang sa proseso ng batas.
Iginiit ni Remulla na dapat “magpaka-lalaki si Bantag at harapin ang mga ibinabatong alegasyon at iwasan ang maraming drama.
Nitong lamang Lunes ay naghain na ng murder complaints ang NBI at PNP laban kina Bantag, BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta at iba pa sa pagpatay kay Lapid at sa itinuturong middleman na si Jun Villamor na binawian ng buhay sa loob mismo ng New Bilibid Prison.