Minaliit lang ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na impeachment complaint laban sa Ikalawang Pangulo.
Ayon sa tagapagsalita ng Bise Presidente na si Georgina Hernandez, hindi ito dapat seryosohin dahil puro espekulasyon lang at walang basehan ang planong impeachment complaint kay Robredo.
Mismong si Alvarez na rin kasi anya ang nagsabi na sinisilip pa nito ang ihahaing reklamo at kokonsultahin muna ang kanyang legal team.
Para sa kampo ng Bise Presidente, kinokondisyon lang ni Alvarez ang utak ng publiko para siraan si Robredo.
Video message
Samantala, nanindigan ang kampo ni Vice President Leni Robredo na walang bahagi sa kinunan nilang video na ipinadala sa United Nations ang magpapatunay sa akusasyon kay Robredo na betrayal of public trust.
Ayon sa tagapagsalita ng Bise Presidente na si Georgina Hernandez, lahat ng sinabi ng Ikalawang Pangulo sa video ay katotohanan base na rin sa kwento ng mga mahihirap na pamilyang biktima ng war on drugs na nagpasaklolo sa tanggapan ni Robredo.
Nilinaw din ni Hernandez na hindi sinadya ang halos pagkakasabay ng pagkakalabas ng nasabing video at ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Anya, noong Pebrero pa nila kinunan at ipinadala sa UN ang nasabing video at ang organizer mismo ng international event ang nagdesisyong ilabas ito ngayong Marso.
By Jonathan Andal (Patrol 31)