Minaliit ng Philippine National Police (PNP) ang banta ng mga militanteng grupo na kakasuhan nila ang mga pulis na nakapanakit sa kanila.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, Spokesman ng PNP, kung tutuusin naging napakaluwag ng PNP sa mga militanteng nagsasagawa ng kilos protesta laban sa APEC Summit.
Makikita naman aniya sa mga video kung ang mga pulis ba o ang mga militante ang nagkamali kaya’t nauwi sa sakitan at bombahan ng tubig ang kilos protesta.
“Ang presence nila doon is illegal already, there was no permit issued by the local government unit doon sa mga lugar na yun, naging lenient nga po ang Philippine National Police, pinabayaan natin silang na maghayag ng kanilang mga expressions, sentiments, makikita naman po kung sino ang nag-iinitiate ng gulo.” Ani Mayor.
Samantala, pumalag naman ang pamunuan ng Philippine National Police sa mga reklamo na di umano’y pinabayaan nila ang mga pulis na nagbantay sa APEC Summit.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, Spokesman ng PNP, mismong si PNP Chief Director General Ricardo Marquez ang nag-ikot sa kinalalagyan ng mga pulis nang marinig ang mga reklamo hinggil sa hindi magandang pagkain at iba pa.
Pinaalalahanan ni Mayor ang mga pulis na sila ay mga lingkod bayan at ang unang dapat pinagtutuunan nila ng pansin ay kung paano maisasagawa ng maayos ang kanilang misyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Mayor na mayroon nang rekomendasyon na bigyan ng isang araw na bakasyon ang mga pulis probinsya na kinuha nila para sa APEC Summit upang makapamasyal naman sa Metro Manila.
AUDIO: Bahagi ng panayam kay Chief Superintendent Wilben Mayor
By Len Aguirre | Ratsada Balita