Hinimok ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang mga jeepney driver at operator na ikunsidera ang kanilang planong mag-tigil-pasada sa gitna ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay I-ACT Chief Charlie del Rosario, sa halip na tumigil sa pamamasada, dapat magkaloob ng “serbisyo publiko” ang mga operator at driver sa mga commuter at kumilos alinsunod sa kanilang prangkisa.
Ibina-balanse naman anya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ekonomiya at pangangailangan ng mga tsuper at mananakay sa pamamagitan ng pag-apruba sa pisong provisional increase sa minimum fare.
Iginiit ng mga transport group na dagdagan pa ang pasahe lalo’t palaki nang palaki ang gastos nila sa krudo habang lumiliit ang kanilang kita kada araw.
Hinikayat naman ni del Rosario ang mga transport group na bigyan pa ng kaunting panahon ang pamahalaan na magdesisyon sa hirit na panibagong fare hike dahil taumbayan ang mahihirapan kung agaran ang pagpapasya.
Una nang inihayag ng LTFRB na kanilang dedesisyunan ang hiling na panibagong dagdag-pasahe bago magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo a – 30.