Nagpaliwanag si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista sa sinasabing pagbabanta niya ng ‘no-el’ o no elections sa 2016.
Ayon kay Bautista, ang nais lamang niyang bigyang diin ay ang epekto ng temporary restraining order ng Korte Suprema sa no bio no boto campaign ng COMELEC sa ginagawa nilang paghahanda para sa eleksyon.
Sa ngayon anya ay hindi sila makapagpasya kung isasama sa listahan ng mga botante ang 2.4 million na walang biometrics kung ilan ang materyales na bibilhin para sa balota kung hindi na dapat dagdagan ang mga makina para sa eleksyon at iba pa.
Umapela si Bautista sa Korte Suprema na tanggalin sa loob ng linggong ito ang TRO upang maipagpatuloy nila ang paghahanda sa eleksyon.
Nanindigan si Bautista na na aayon sa batas ang no bio no boto at ang layunin nito ay linisin ang talaan ng mga botante.
Hanggang December 11 ang ibinigay ng Supreme Court sa Comelec para sagutin ang petisyong nagpapabasura sa no bio no boto.
Subalit nangangamba si Bautista na hindi na ito matutukan ng Korte Suprema dahil sa nalalapit na nilang bakasyon ngayong Kapaskuhan.
By Len Aguirre