Tila parusa sa mga may-ari ng resort sa Boracay ang naging banta ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasara ang isla kapag hindi naayos ang environmental issues dito sa loob ng anim na buwan.
Sinabi sa DWIZ ni Neneth Graff na nagulat silang mga resort owners sa nasabing pahayag ng Pangulo lalo na’t wala naman silang kasalanan sa sitwasyon ngayon sa isla.
Ayon pa kay Graff, tila hindi batid ng Pangulo ang tunay na kalagayan ng isla kung saan halos 90,000 katao ang umaasa para sa kanilang ikabubuhay.
“Hindi po biro ang ganung statement kung 6 months ang ibibigay niya sa amin ay posible po kung talagang lahat ay magtatrabaho ng husto na totoo sa sarili nila, knowing po yung background ng ating DENR sa Boracay before si Secretary Cimatu ay napakasama, wala silang ibinigay na malaking kontribusyon para mapangalagaan ang environment ng Boracay, hindi ganun naging kahigpit ang pangangalaga nila sa isla.” Pahayag ni Graff
(Ratsada Balita Interview)
Samantala, umalma din ang mga residente at negosyante sa isla ng Boracay, Aklan sa paghahalintulad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang lugar sa isang imburnal.
Ayon sa mga residente, tila maling impormasyon ang ipinarating kay Pangulong Duterte hinggil sa lawak ng problema sa Bora.
Dapat anilang isipin din ng Pangulo kung ano ang kahihinatnan ng daan-daang mawawalan ng hanapbuhay sakaling ipasara ang buong isla na pangunahing tourist destination sa Pilipinas.
Sa kabila nito, welcome sa mga Aklanon ang kautusan ni Pangulong Duterte kay Environment Secretary Roy Cimatu na resolbahin ang problema sa basura at sewarage ng Boracay sa loob ng anim na buwan upang maiwasan ang shutdown ng isla.
–Drew Nacino