Inihalintulad ng isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang bantang revolutionary government ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Christian Monsod, ang mga ganitong klaseng pahayag ng Pangulo ay maaari nang maituring na isang klase ng diktadura kung saan posibleng pinakamaapektuhan ay ang mga mahihirap.
Paliwanag ni Monsod, kapag ipinagpatuloy ng Pangulong Duterte ang mga ganitong banta ay posibleng magkaroon din ng mga diktador sa “local government” tulad ng mga munisipalidad at barangay.
Duda naman si Senador Panfilo Lacson kung isasakatuparan ng Pangulo ang banta nito dahil posible aniyang bahagi lang ito ng kanyang padalus-dalos na pahayag.
Para naman kay Vice President Leni Robredo, walang batayan ang isang revolutionary government at magdudulot lamang ito ng takot at pangamba sa taumbayan.
Nanindigan naman si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magkakapit tuko sa kapangyarihan.
Ito ay kasunod ng pagbatikos ng ilan na paraan lamang ng Pangulo ang bantang revolutionary government para mapalawig ang termino nito.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Federalism Summit na ginanap sa Camarines Sur kahapon, hindi siya interesado sa anumang term extension at hindi nya hihiyain ang kanyang pamilya para sa anumang ambisyong politikal.
Matatandaang nagbanta ang Pangulo na magtatag ng revolutionary government kasunod ng sinasabing mga destabilization plot laban sa kanya.
—-