Naging pangkalahatang mapayapa ang apat na linggong bar examinations na ginanap sa University of Santo Tomas o UST ngayong taon.
Batay ito sa assessment ng Manila Police District o MPD kasabay ng opisyal na pagtatapos ng bar examinations kahapon, Nobyembre 26.
Ayon kay MPD Spokesman Superintendent Erwin Margarejo, wala silang naitalang anumang untoward incident habang ginaganap ang nasabing pagsusulit sa apat na magkakasunod na araw ng linggo ng Nobyembre.
Samantala, naging masaya naman ang huling araw ng bar exams kung saan ginanap ang tradisyunal na “salubong” sa mga kumuha ng pagsusulit.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, nasa 6,759 na lamang na mga examinees ang umabot hanggang sa huling linggo ng pagsusulit.
—-