Isasailalim sa extreme enhanced community quarantine (EECQ) ang Barangay 132 sa lungsod ng Caloocan dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kalatas ng Barangay 132 na-ipinost online, magsisimula ang mas pinahigpit na community quarantine o lockdown simula alas-12:01 ng madaling araw ng a-2 ng Agosto at magtatapos ng alas-11:59 ng hatinggabi ng a-8 ng Agosto.
Kasunod nito, mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng mga residente ng barangay sa kani-kanilang tahanan, maliban na lamang sa mga frontliners at sa mga taong may pangangailangan ng atensyong medikal.
Dahil dito, pinapayuhan ng mga awtoridad ng barangay ang mga nagtatrabaho na mag stay-in muna sa kani-kanilang pinapasukan o kaya’y mag-file ng leave dahil hindi na papayagan pa ng mga awtoridad ang paglabas-masok sa lugar oras na ipatupad ang lockdown.
Paliwanag pa ng pamunuan ng Barangay 132, mag-iisyu ang kanilang tanggapan ng certification sa mga manggagawa na mag fa-file ng leave sa kanilang pinagtatrabahuan.
Samantala, sa pag-iral ng lockdown, magbibigay ng ayuda ang pamunuan Barangay 132 para sa mga residente.