Isasailalim sa isang linggong total lockdown ang Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City simula sa Huwebes, ika-7 ng Mayo.
Ayon kay Mandaluyong City Mayor Carmelita “Menchie” Abalos, napagpasiyahan nila ito matapos maitala sa Barangay Addition Hills ang pinakamataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Sinabi ni Abalos, ikakasa naman ang random rapid testing sa may 3,000 residente ng barangay habang umiiral ang total lockdown.
Kaugnay nito, maglalabas ng executive order si Abalos kung saan nakasaad ang guidelines para sa pagpapatupad ng total lockdown sa Barangay Addition Hills.
Tiniyak din ng alkalde ang pamamahagi ng mga food packs ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong para sa mga maapektuhang residente. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)