SUMASAILALIM umano sa imbestigasyon ang Barangay Ambolodto sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao Del Norte dahil sa mga sinasabing insidente ng karahasan bago at sa mismong araw ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang inihayag ni Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Comelec, makaraang sabihin na kabilang ang nasabing bayan sa mga lugar na patuloy na binabantayan matapos ang eleksyon.
Dalawang insidente ng karahasan na iniulat ang natukoy ng poll body, kabilang na ang Barangay Ambolodto, kung saan nagkaroon pa ng paglikas ang mga residente dahil sa hinihinalang pangha-harass na ginawa ‘di-umano ng kampo nina Jojo Limbona at Hiejita Limbona, chancellor ng Mindanao State University-Maguindanao.
Napag-alaman na kabilang sa mga napaulat na iniimbestigahan ang umano’y pananakit naman ni Limbona sa isang watcher, at maging ang pagkakahuli sa mga pinararatangang 27 flying voters na residente ng ibang bayan.
Magugunitang nagpasaklolo ang mga opisyal ng barangay sa Comelec para tutukan ang kanilang lugar.