Kinasuhan ng pulisya ang dalawang opisyal sa bayan ng Isabela, Negros Occidental dahil sa pagkakasangkot nito sa katiwalian hinggil sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).
Kinilala ni Police Regional Office 6 Director P/Bgen. Rene Pamuspusan ang nabanggit na mga opisyal na sina Maria Luz Ferrer, Chairwoman ng barangay 8 at si Mae Fajardo, Municipal Social Welfare and Development Officer naman sa nabanggit na bayan.
Nabatid na nakatanggap ng sumbong ang pulisya dahil sa isinama ni Ferrer sa mga benepisyaryo ang kaniyang 13 anyos na apo at pamangking nagpapatakbo na ng sariling negosyo.
Habang si Fajardo naman ay inakusahang namimili ng mga pamamahaginan ng perang ayuda mula sa gobyerno sa nasabing lugar.
Nagpositibo ang ginagawa ng mga akusado sa ginawang imbestigasyon ng pulisya kaya sila inaresto at hinainan ng kasong graft at falsification of public documents.
Dawit din sa kaso ang menor de edad na apo gayundin ang pamangkin ng barangay kapitana sa nabanggit na lugar dahil sa pagpayag nilang magpagamit sa katiwalian.