Arestado ang isang barangay chairman gayundin ang isang tanod nito sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Bayan ng Tuy, lalawigan ng Batangas.
Ito’y makaraang makatanggap ng sumbong ang PNP hinggil sa iligal na aktibidad ng mga naaresto na kinilalang sina Barangay Malibu Chairman Susano Abellera at hepe ng mga tanod na si Victor Dulce.
Nakumpiska mula sa dalawa ang dalawang shotgun, dalawang .45 calibre baril at isang rifle.
Ayon sa Tuy Municipal Police Station, bahagi iyon ng kanilang pinaigting na kampaniya kontra sa mga loose firearms upang masawata naman ang krimen sa lalawigan.
Bagama’t bigo ang mga pulis na makitaan ang mga ito ng iligal na droga batay sa inihain sa kanilang search warrant, iimbestigahan naman ang mga nakuhang armas dito kung nagamit ba sa krimen.