Nasakote ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang barangay chairman na sangkot umano sa 2009 Maguindanao Massacre.
Kinilala ng PNP-CIDG Maguindanao Field Unit ang suspek na si Datu Harris Ampatuan Macapendeng, chairman ng Barangay Tuayan sa bayan ng Datu Hoffer na may patong sa ulo na 300,000 pesos.
Naaresto si Macapendeng ng CIDG sa BARMM compound sa Cotabato City, noong Miyerkules.
Kabilang ang suspek sa inisyuhan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ng warrant of arrest para sa 43 counts ng murder.
Ayon sa CIDG, kabilang din si Macapendeng sa private army ng mga Ampatuan at isa sa mga dumalo sa mga pulong kung saan plinano ng mga mastermind ang pag-massacre sa 58 katao noong November 23, 2009.
Isa anila itong patunay na gumugulong at hindi natutulog ang batas at hustisya anumang sitwasyon upang mapanagot ang mga sangkot at mabigyang katarungan ang mga biktima at kanilang pamilya.