Mag-aagawan para sa korona Barangay Ginebra at guest team na Bay Area sa PBA Commissioner’s Cup sa ‘winner-take-all’ game seven ngayong alas-5:45ng hapon sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Matapos magtabla sa 3-3 ang kanilang standing, nakatakdang tapusin ng Gin Kings at Dragons ang kanilang best-of-seven championship series.
Hangad ng Ginebra na masungkit ang pang-15 titulo para maging ikalawang winningest team sa PBA at maungusan ang Magnolia at Alaska milk na kapwa may 14 titulo.
Inaasam naman ng Dragons na maging ikalawang foreign squad na naghari sa PBA conference matapos ang Nicholas Stoodley ng United States noong 1980 invitationals laban sa Toyota. —mula sa panulat ni Hannah Oledan