Papayagan nang makapagbukas ang mga barbershops at salon sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) simula Hunyo 7, Linggo.
Ito ang inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) bagama’t 30% lamang ng kanilang operating capacity ang pahihintulutan.
Habang hanggang 50% naman ng operating capacity ng mga barbershops at salon na sakop ng modified general community quarantine (MGCQ) ang maaari nang magbukas.
Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, hindi na kakailanganin pa ng mga barbershops at salons na kumuha ng accreditation para muling makapag-operate.
Gayunman, iginiit ni Lopez na kinakailangang mahigpit na sundin ng mga nabanggit na establisyemento ang pagpapatupad ng mga health protocols para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Binalaan din ng kalihim na agad ipasasara ang mga barbershops at salon na makikitaan ng mga paglabag.