Hindi dapat ginagamit ng mga pulis ang inisyu sa kanilang mga baril o armas para sa personal na kadahilanan.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Police Brigadier General Ildebrandi Usana matapos matanong kung pinapayagan ang pagdadala ng baril ng mga pulis kahit hindi naka-duty.
Ayon kay Usana, sa pangkalahatan ay maituturing na 24/7 ang trabaho ng mga pulis bilang miyembro ng law enforcement institution.
Kadalasan aniya ay dinadala ng mga pulis ang kanilang mga baril kahit hindi naka-duty upang mahuli ang mga kriminal, matiyak ang maayos na pagharap sa mga ito at magamit na proteksyon sa sarili sakaling maunahan sa pagpapautok.
Gayunman, binigyang diin ni Usana na hindi naaayon sa kanilang standard operating procedure (SOP) ang pagamit sa kanilang armas para sa personal agenda.
Sinabi pa ni Usana, sa katunayan aniya ay maaaring arestuhin ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca ang biktimang si Frank Anthony Gregorio sa gitna ng kanilang pagtatalo sa pamamagitan citizen’s arrest.