Aalamin ng Philippine National Police – Firearms and Explosives Unit (PNP – FEU) kung lisensyado ang mga baril na ginamit ng mga barangay tanod sa isang police operation sa Mandaluyong City.
Ipinabatid ito ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde matapos nilang ipaberepika sa FEU kung may mga personal na baril ang mga nasabing tanod.
Gumulong na ang imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service (IAS) hinggil sa shooting incident kung saan aksidenteng napatay ng mga pulis ang dalawang (2) sibilyan at nakasugat ng dalawang iba pa nang mapagkamalan ang nasabing sasakyan bilang getaway vehicle ng suspek.
Sinibak na din ni Albayalde si Mandaluyong City Police Chief Senior Superintendent Moises Villaceran, Jr. at sampung (10) iba pang pulis na sangkot sa nasabing insidente.
Mandaluyong City Mayor Carmeliuta Abalos
Pinasasalang sa preventive suspension ni Mandaluyong City Mayor Carmeliuta Abalos ang mga barangay tanod na dawit sa mistaken identity shooting incident na ikinasawi ng dalawa katao.
Sa kanyang sulat kay Kent Faminial, chairman ng Barangay Addition Hills, ipinaabot ni Abalos ang pagkundena sa aniya’y hindi makatuwirang pagbaril ng mga barangay tanod sa sasakyan ng mga biktima.
Sinabi ni Abalos na ang tungkulin ng mga tanod ay ipaalam kaagad sa mga pulis ang insidente para ito ang magsagawa ng lehitimong operasyon.
Kinuwestyon din ni Abalos ang pagdadala ng baril ng mga barangay tanod.