Patay ang isang lalaking natutulog lamang sa bangketa matapos na barilin ng riding in tandem sa Port Area, Maynila.
Ayon kay Eleterio Yaguil, kagawad ng barangay, may tama sa ulo ang biktimang si Sonny Boy Lapore, isang barker at taga-Tanza, Cavite.
Katabi pa umano ng biktima ang kanyang asawa nang biglang paputukan ng lalaking nakasakay sa motorsiklo habang nagsilbi namang look out ang isa nitong kasama.
Bagama’t walang record sa barangay ay may mga kuwento umano na dating gumagamit ng iligal na droga ang biktima.
Samantala, patay naman ang isang security guard habang sugatan ang isa pa matapos na magkagirian ang mga guwardiya ng safeguard agency sa Singgalong St. Malate, Maynila.
Kinilala ang nasawing biktima na si Mario Corpuz habang nakatakas naman ang suspek na si Julius Igat.
Ayon sa saksi, naka-duty ang suspek nang magpumilit na pumasok ang lasing na biktima sa garahe ng mga armored van.
Dahil dito, nagkainitan ang dalawa na nauwi naman sa pamamaril.
Nadamay lamang sa away ang sugatang biktima na si Jonathan Lazarte na patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
—-